Karanasan sa Pugad sa gitna ng dagat, Isang pagsilip sa buhay sa isla
Kung titingnan ang lalawigan ng Bulacan ayon sa lapit nito sa mga sentro ng kalakalan sa bansa, hindi mo iisiping may mga parte pa pala itong nagtataglay ng mga nabanggit na katangian, na may mga isla pa palang lingid sa kaalaman hindi lamang ng mga taga-ibang lugar kung hindi maging ng mga Bulakenyo.
Isa ang isla ng Barangay Pugad sa Hagonoy, Bulacan sa mga tagong lugar na ito sa probinsya. Bangka ang natatanging transportasyong nakakapag-ugnay sa mga taga-roon papunta sa kabayanan ng Hagonoy.
Pagbati ang isinalubong ng mga taga-Barangay Pugad sa aming pagdating sa kanilang lugar. Isang lolo pa nga ang nagpasalamat at binisita raw namin sila.
Halos kumpleto na rin naman sa mga pangunahing imprastruktura ang isla. Mayroon na roong barangay hall, chapel, basketball court at mababang paaralan. Subalit kapansin-pansin ang mga halos dikit-dikit nang tindahan.
“Kung sino ‘yung suki mo, du’n nila ibibigay ang listahan mo,” paliwanag ni Aling Charry. Subalit may mga aberya din na nangyayari sa ganitong sistema aniya. Madalas daw na nahuhuli ang dating ng kanilang mga ipinabili o hindi naman kaya ay nagkakapalit ng pangalan ang mga ito na madali naman nilang nasosolusyunan dahil magkakakilala naman silang lahat sa isla.
Nakapagtatakang napakarami nilang naninindahan sa lugar kahit na napakaliit lamang nito. Ang resulta ay humihigpit ang kumpetisyon at humihina ang kita.
“Magbaba ka ng konting halaga,” sagot ni Aling Charry sa kung paano ang paraang ginagawa niya para maging mas mabenta ang kanyang tindahan kaysa sa kanyang mga kabarangay.
Isa pa sa mga problemang higit na pinangangambahan ng mga naninindahan at lahat ng mga taga-roon ay ang pagdating ng mga bagyo. Kwento ni Aling Charry, noong nanalasa raw ang Bagyong Pedring, ay maraming tindahan ang naabot ng baha ang mga paninda. Buti na lamang daw at naitaas niya ang kanyang mga paninda.
Bagama’t may mga ganitong suliranin sa hanapbuhay, ipinagmamalaki naman ni Aling Charry na ang kanilang barangay ay may pagkakaisa. “Pag sinabi ng Kapitan, sunod ang lahat,” aniya.
“Walang kalaban dito. Ako lang mag-isa,” pahayag ni Mang Arnel. Ito ang dahilan kung bakit kahit taga-Macabebe, Pampanga siya ay dinarayo niya ang lugar.
Ayon pa kay Mang Arnel, masisipag at mababait ang mga tao sa Barangay Pugad kaya rin siya nagtagal sa paglalako roon.
Dinala kami ni Mang Virgilio Enriquez, isang residente ng isla, sa isang tulay na gawa sa kawayan kung saan makikita sa paligid noon ang ilang mga nasirang bahay ng mga nagdaang bagyo. Gayundin, ayon Mang Virgilio, ang dagat na noo’y kitang-kita namin ay dating hindi masisilayan dahil sa kapal ng mga bakawan na nakatanim doon. Pero dahil nga sa pananalasa ng mga bagyo, naubos ang mga iyon at wala nang kahit na anong proteksyon man lamang sa alon tuwing nagsusungit ang panahon.
Malayo man sa kabayanan. Napapaligiran man ng dagat. Limitado man ang transportasyon. Mapanganib man tuwing panahon ng mga bagyo at baha. Napanatili naman ng mga taga-Barangay Pugad ang kanilang pagkakaisa at kabutihang-loob hindi lamang sa panahon ng sakuna kundi sa lahat ng oras.